Itinuturing ng Department of Education (DepEd) ang unang araw ng klase para sa academic year 2016-2017 bilang “one of the best.”
Partikular na tinukoy ni outgoing Education Sec. Armin Luistro ang maayos na implementasyon ng senior high school program ngayong taon.
Ayon kay Luistro, base sa kanilang monitoring, wala naman silang napansin na mga kakulangan o problemang hindi agad nasolusyunan.
Bagaman mayroon talagang mga maliliit na problemang hindi maiiwasan, wala naman aniya dito ang hindi kinayang agad na maresolbahan kaya naging maayos ang lahat.
Ani pa Luistro, kahit sa mga ulat mula sa media, wala siyang narinig na malakihan at malawakang problema, dahil binabantayan naman nila ang mga ito.
Samantala, nanawagan sina Luistro at incoming Education Sec. Leonor Briones sa publiko na bigyang pagkakataon ang bagong sistema ng edukasyon sa bansa at tulungan silang tiyakin ang tagumpay nito.
Matatandaang iba’t ibang grupo pa ang nag-protesta laban sa implementasyon ng K-12 kahit pa unang araw na ng klase kahapon.