Maraming lokal na pamahalaan ang humihingi ng karagdagang suporta sa pondo edukasyon.
Ngunit, ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, hindi lubos na nagagamit ang Special Education Fund (SEF).
Sa isang pagdinig na tumalakay sa 21st Century School Boards Act (Senate Bill No. 155) at iba pang mga kaugnay na panukalang batas, ibinahagi ni Gatchalian ang ulat ng Bureau of Local Government Finance (BLGF) ng Department of Finance (DOF) na aabot sa P15 bilyon mula sa SEF ang hindi nagamit.
“Mukhang malaking halaga mula sa SEF ang hindi nagagamit. Hindi ko alam kung bakit umabot sa P15 bilyon ang hindi nagastang pera mula sa SEF noong 2021. Naiisip kong lubos na nagagamit ang SEF dahil tuwing nakakausap ko ang mga LGUs, lumalabas na may malaking pangangailangan sa dagdag na suporta para sa edukasyon,” ani Gatchalian, ang awtor ng Senate Bill No. 155.
Sa naturang pagdinig, iniulat ni BLGF officer-in-charge (OIC) Ma. Pamela Quizon na umabot lamang sa 66.7% ang utilization rate ng SEF noong 2019. Para sa 2020, umabot naman sa 67.9% ang utilization rate ng SEF, at 63.8% naman para sa 2021.
Paliwanag ni Quizon ang mababang utilization rate ay dahil sa isyu sa procurement at mga limitasyon sa maaaring paggamitan ng SEF.
Hiniling ni Gatchalian na isuite ang naturang ulat sa Senate Committee on Local Government para masuri ang ‘underspending’ sa SEF.