Kasisimula pa lamang ng Fire Prevention Month at ang Butreau of Fire Prevention (BFP) ay sinabi na mas mababa ang bilang ng insidente ng sunog ngayong taon kumpara noong nakaraang taon.
Ayon kay BFP spokesman Fire Supt, Annalee Atienza, mula Enero 1 hanggang Marso 1, nasa 1,984 na sunog lamang ang naitala kumpara sa 2,520 na naitalang sunog sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Pagpapakita na bumaba ang bilang ng 21 porsiyento.
“At ito pong mga fire incidents na ito, ayon sa ating investigation ay caused by, nangunguna po ang electrical emission. So, it has something to do with our paggamit po, responsibility in the use of mga appliances natin in maintaining the proper wiring ng ating bahay,” aniya.
Sabi ni Atienza, may mga pamilya kasing umaasenso kung kaya nadagdagan ang mga gadget at appliances pero hindi nakakaligtaan naman ang wiring connections sa loob ng bahay at hindi nakakaya ng mga extension wires kung kaya kadalasang nagiging sanhi ito ng sunog.
Pag-amin pa nito, hanggang ngayon, kulang pa rin sa tauhan at kagamitan ang BFP para sa pagresponde sa sunog.
“Sa atin pong data, ang kakulangan po natin ng firetruck ay around 168. So for every firetruck, kailangan po natin ng 14 personnel. So 168 x 14, lumalabas po na around 2,352 personnel pa po kung titingnan natin iyong kakulangan ng firetruck per bayan na wala pa po sa ngayon. But iyon nga po, sa pagdagdag ng firetruck dahil equipment-based po ang BFP, pagdagdag ng firetruck, ganoon na rin po ang pagdagdag ng ating manpower,” pahayag ni Atienza.
“Kung titingnan po natin sa fireman to population ratio, malaki pa rin po talaga ang kakulangan natin considering na may bayan po tayo na wala pa nga pong fire truck and activated fire station. However, sa ngayon po mayroon po tayong 34,363 personnel, BFP personnel kasama na rin po iyong mga non-uniformed personnel natin. So, ito pong buong puwersang ito ay patuloy po ang pagtupad ng ating mandato at ganoon na nga po iyong ating appreciation sa LGUs and other volunteers sa pagtugon po sa pangangailangan ng ating community,” pahayag ni Atienza.
Tuloy din aniya ang ugnayan ng BFP sa local government units at sa iba pang tanggapan ng pamahalaan para masuportahan ang mga programa ng BFP.
Ginugunita sa bansa ang Fire Prevention Month tuwing buwan ng Marso.