Oil spill mula sa lumubog na tanker sa Mindoro lumawak, umabot na sa pampang

PCG PHOTO
Umabot na sa humigit-kumulang anim na kilometro ang haba at may lawak na apat na kilometro ang oil spill sa Balingawan Point sa Naujan, Oriental Mindoro. Ito ay mula sa lumubog na MT Princess Empress, na may karga na 800,000 litro ng industrial oil. Ang ulat ay mula sa BRP Melchora Aquino na nagbabantay sa sitwasyon. Tinukoy na rin ang 11 lugar sa Naujan na maaring maapektuhan ng pagtagas ng langis at ito ay kinabibilangan ng tatlong fish sanctuaries,  Naujan Public Cemetery, Barangay Sta. Cruz, Barangay Kalinisan, Barangay Antipolo, Pitugo Beach (Barangay San Jose), Papangkil Beach (Barangay Melgar B), Montemayor Cove, Barangay Masaguing, Tujod (Barangay Herrera),  at Buloc-Buloc (Barangay Montemayor). Nagbabala na ang pamahalaang-panglalawigan na obserbahan ang tubig-dagat sa mga naturang lugar at pinag-iingat na rin ang mga residente dahil sa maaring maging epekto ng pagtagas ng langis. Nakatutok na rin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa sitwasyon bunsod na rin ng posibleng epekto sa kalikasan ng insidente. Samantala, nadiskubre ang oil spill stranding sa baybayin ng Barangay Buhay na Tubig sa bayan ng Pola. Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) magsasagawa na ang stakeholders ng shoreline clean-up.

 

Read more...