Naniniwala si Canadian Prime Minister Justin Trudeau na pinatay na ang kababayan nilang binihag ng bandidong grupo dito sa Pilipinas.
Ayon kay Trudeau, bagaman nakakalungkot, mayroong sapat na dahilan ang kanilang pamahalaan para paniwalaan ang hindi magandang kinahinatnan ng bihag ng Abu Sayyaf na si Robert Hall.
Sa kaniyang talumpati, ipinahatid niya ang kaniyang pakikiramay sa pamilya at mga kaibigan ni Hall.
Dahil dito, nakikipagtulungan na rin aniya ang kanilang pamahalaan sa gobyerno ng Pilipinas para tuluyang makumpirma ang pagkamatay ni Hall.
Nitong Abril lamang, pinugutan ng ulo ng bandidong Abu Sayyaf group ang Canadian na si John Ridsdel dahil hindi nila nakuha ang hinihingi nilang ransom na P300,000.
Ngunit sa kabila ng mga pangyayaring ito, muling nanindigan si Trudeau na hinding hindi sila magbabayad ng ransom sa mga teroristang grupo dahil lalo lang mapapahamak ang kanilang mga kababayan.
Sina Hall at Ridsdel ay dinukot noon sa isang resort sa Samal Island kasama ang Norwegian na si Kjartan Sekkingstad at isang Pilipina.
Sa ngayon ay kinukumpirma pa ng Armed Forces of the Philippines ang sinabi ng Abu Sayyaf kaugnay sa pagpatay kay Hall dahil wala pa naman silang nakikitang malinaw na ebidensya.
Hinikayat na rin ni Trudeau ang mga kasaping bansa sa Group of Seven na manindigan laban sa pagbabayad ng ransom, at handa aniya silang makipagtulungan para makamit ang hustisya.