8 Pinoy na biktima ng human-trafficking sa Cambodia balik-Pilipinas na
By: Jan Escosio
- 2 years ago
Nakauwi na ng bansa ang walong Filipino na sapilitan na pinag-trabaho bilang scammers ng crypto-curency sa Cambodia.
Ayon kay Sen. Risa Hontiveros nagpunta sa kanyang opisina ang mga biktima ng human-trafficking at kanya-kanya ang mga ito sa pagbabahagi sa kanilang mapait na karanasan sa Cambodia.
Pinasalamatan din nila ang senadora sa pagtulong sa kanila.
Sinabi ng senadora na maraming hirap na dinanas ang mga biktima sa kamay ng mga Chinese mafia tulad ng hindi pagpapasweldo, hindi pinapakain ng maayos, hindi pinapatulog at kung hindi maka-scam ng tao ay pinagbabantaan din ang mga ito na sasaktan.
Pinasalamatan naman ni Hontiveros ang Department of Foreign Affairs (DFA) dahil sa mabilis na pag-aksyon sa nasabing problema, gayundin sa Cambodian police dahil sa walang tigil na koordinasyon sa ating embahada, at sa mga civil society organizations at mga indibidwal na tumulong sa sa mga pangangailangan ng mga biktima.