Kadiwa ng Pangulo inilunsad ni PBBM sa Cebu
By: Chona Yu
- 2 years ago
Inilunsad ngayon araw ni Pangulong Marcos Jr. ang kauna-unahang “Kadiwa ng Pangulo” sa Cebu City.
Ito, ayon sa Pangulo, ay dahil naging popular ang “Kadiwa ng Pasko” kung kaya na isipan ng pamahalaan na ipagpatuloy ito.
Mura at sariwang bilihin ang alok ng “Kadiwa ng Pangulo,” gaya ng sibuyas na nabibili ng P190 kada kilo at bigas na P25 kada kilo.
Sabi ng Pangulo, hindi malulugi ang mga magsasaka sa murang bilihin dahil inaayudahan naman ng pamahalaan.
“Patuloy po naming gagawin ito, padadamihin natin, palalakihin natin at pararamihin natin mas importante ay paramihin lalo na sa mga lugar na talagang hirap ang tao at hindi pa kaya ang mga presyuhan kung nasa palengke,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Dagdag pa niya; “Kaya’t ito na ang aming sagot doon sa nagiging krisis dito sa ating pagkain sa ating pagtaas ng presyo.”
Nasa 500 Kadiwa stores na ang nakatayo sa ibat ibang bahagi ng bansa.
Ayon sa Pangulo, bukod sa pagma-market ng agricultural products sa Kadiwa, mabibigyan din ng pagkakataon ang mga Micro, Small, Medium Enterprises (MSMEs) para mai-market ang kanilang mga produkto.