Kapag aamyendahan ang political provisions sa 1987 Constitution, isa sa mga nais mawala ni Senator Robinhood Padilla ay ang partylist system.
Ayon sa namumuno sa Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes ang dapat gawin ay palakasin naman ang political party system sa bansa.
Sa kanyang palagay, magiging susi ito upang matuldukan na ang pagboto sa mga sikat at mayaman na kandidato.
Iginiit din ng baguhang senador na sa pagpapalakas ng party system ang pagboto sa mga kandidato ay ibabase sa adbokasiya ng partido at hindi sa dahil sa kayamanan o kasikatan.
“Kung mapupunta tayo sa Concon, yan dapat una nating gibain. Dahil ang party list system ay, my goodness gracious, di ko na makita, mula magdesisyon ang ating Korte Suprema na payagan na pati mga mayayaman, nawala na po ng anghang at sustansya. E dapat po yan e mga sektor na di naririnig. E ngayon ewan ko, sa totoo lang po,” ani Padilla.