Ill-gotten wealth case vs ex-President Marcos, ex-FL Imelda at cronies ibinasura ng Sandiganbayan
Mahigit tatlong dekada muna ang lumipas bago nagdesisyon ang Sandiganbayan Fifth Division na ibasura na ang mga kaso laban sa yumaong Pangulong Marcos, dating First Lady Imelda Marcos at ilan sa tinukoy nilang cronies.
Base sa 156-pahina na desisyon na may petsang Pebrero 21, ibinasura ng anti-graft court dahil sa kawalan ng matibay na ebidensiya na ang ilang tinukoy na korporasyon ay ginamit ng mag-asawang Marcos upang kumamal ng nakaw na yaman.
This court finds that the plaintiff failed to prove by preponderant evidence that the properties alleged in the complaint are ill-gotten and/or was beneficially owned and controlled by former President Marcos and his family,” ayon sa Sandiganbayan.
Tinukoy din sa reklamo ng Presidential Commission on Good Government ang mga sinasabing cronies na sina Peter Sabido, Luis Yulo, Nicolas Dehesa, Rafael Sison, at Don Ferry.
Noon pang 1987 isinampa ang legal na aksyon sa layon na mabawi ang lahat ng mga sinasabing ilegal na yaman ng Marcoses na kanilang nakuha sa pamamagitan ng pang-aabuso sa kapangyarihan, paglabag sa Konstitusyon at mga batas ng Pilipinas.
Ayon pa sa korte, nabigo ang PCGG na magpakita ng matuibay na ebidensiya upang patunayan na ‘dummies’ lamang ang mga tinukoy na korporasyon at ginawa ito ng yumaong ama ni Pangulong Marcos Jr.
Hindi napatunayan na ang mga sinabing ‘cronies’ ay malapit sa mag-asawang Marcos o sa kahit sa mga miyembro ng dating Unang Pamilya.
Sa mga naunang pahayag ng PCGG, ipinalagay na nasa $5 billion hanggang $10 billion ang halaga ng diumanoy nakaw na yaman ng yumaong pangulo at kinilala pa ito ng Guiness World of Records bilang “greatest robbery of a government.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.