Dumalo sina 1Rider Partylist Representatives Rodge Gutierrez at Bonifacio Bosita sa pagdinig ng Senate Committee on Justice sa panukalang amyendahan ang Republic Act 11235 o ang Motorcycle Crime Prevention Act.
Sinabi ni Gutierrez na nais nilang marinig ang saloobin ng ibat-ibang stakeholders lalo na ang riders’ clubs.
Sa pagtataya ng mambabatas may humigit-kumulang na apat na milyong registered motorcycles sa bansa bagamat ang bilang naman ng mga riders ay hindi bababa sa 10 milyon.
Dagdag pa ni Gutierrez mayroon na rin silang position paper ukol sa panukala at aniya pinapaboran nila ito.
Nabanggit niya na suportado niya ang isang isyu na lumutang sa pagdinig, na hindi na gamitin ang ‘riding in tandem’ dahil sa masamang kahulugan nito at pag-uugnay sa krimen.
Pagbabahagi pa niya na magandang ideya din na sa halip na ipatupad ang ‘doble plaka’ sa mga motorsiklo, gagamit na lamang ng radio frequency identification (RFID) sticker, kapalit ng plate number sa harap.
Ngynit pag-amin ni Gutierrez na kinakailangan na pag-aralan ito ng husto, gayundin ang pagpapalit sa RA 11235 bilang ‘Motor Vehicle Crime Prevention Act’ para saklawin na rin ang iba pang uri ng behikulo, hindi lamang mga motorsiklo.