Manhunt operation laban sa mga suspek sa ambush kay Governor Adiong, ipinag-utos ng DILG sa PNP

 

Inatasan na ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang Philippine National Police na magsagawa ng malawakang manhunt operation laban sa mga suspek sa pananambang kay Lanao del Sur governor Mamintal Alonto Adiong sa Maguing, Lanao del Sur.

Ayon kay Abalos, dapat na managot sa batas ang mga salarin.

“Mariin kong kinokondena ang ginawang pag-ambush kay Governor Bombit at sa kanyang mga kasamahan.  Agad akong nagbigay ng direktiba sa PNP na magsagawa ng manhunt operations upang agad na mahuli ang mga suspek sa insidenteng ito,” pahayag ni Abalos.

Patungo sana sa Wao si Adiong nang pagbabarilin ng mga salarin sa bahagi ng Sitio Landslide.

Patay ang tatlong pulis at drayber ni Adiong matapos ang pamamaril.

Sugatan naman si Adiong at ang isa pa nitong staff.

“Bagamat nakaligtas si Gov. Bombit,  napakalungkot  na nasawi ang ilan sa kanyang mga kasamahan sa insidente.  Lubos kaming nakikidalamhati sa pamilya ng mga nasawi  at asahan ninyo na  hindi titigil ang ating kapulisan hanggang hindi nahuhuli at nabibilanggo ang mga suspek,” pahayag ni Abalos.

“Ang buong puwersa ng ating kapulisan sa Lanao del Sur at sa mga karatig lugar ay kumikilos na sa mga oras na ito para agad na masukol ang mga responsable sa krimeng ito,” dagdag ni Abalos.

Inatasan din ni Abalos ang PNP na makipag-ugnayan sa militar sa pagtugis sa mga suspek.

 

Read more...