Paglalayag sa Scarborough Shoal ng grupong “Kalayaan Atin Ito”, tinangkang pigilan ng China

Scarborough Shoal / FB Photo (Kalayaan Atin ito)
Photo from Kalayaan Atin Ito FB Page

Nagawa ng grupong “Kalayaan Atin Ito” na makapaglayag sa Scarborough Shoal (Panatag Shoal) sa West Philippine Sea at maitaas ang bandila ng Pilipinas doon sa mismong Araw ng Kalayaan kahapon, June 12.

Sa posts sa facebook page ng grupo, 15 Pinoy at isang Amerikano ang sama-samang naglayag mula sa Zambales noong Sabado at nakarating sila sa Panatag Shoal kahapon (Linggo) ng umaga sakay ng isang fishing boat.

Ayon kay Atty. Joy Ban-eg, co-convenor ng grupo, ang kanilang paglalayag sa Panatag Shoal ay bahagi ng kanilang protesta sa patuloy na pang-aangkin ng China sa mga teritoryo ng Pilipinas.

Kwento ni Ban-eg, alas 7:30 ng umaga nang dumating sila sa lugar at dalawang speedboats ng china at tatlong Chinese Coast Guard ships ang agad na nagtangkang humarang sa kanila.

Apat na oras umano silang pinalibutan ng mga sasakyang pandagat ng China.

Alas 11:00 ng umaga, limang miyembro ng “Kalayaan Atin Ito” ang nagpasyang lumangoy patungo sa entrance ng lagoon para maglagay ng watawat ng Pilipinas, pero hinarang pa din sila ng mga Chinese.

Ani Ban-eg habang lumalangoy ang kanilang mga kasamahan ay sinasabuyan sila ng tubig sa pamamagitan ng pagtatapat sa kanilang mukha ng buga ng tubig ng speedboat ng China.

Bagaman bigo ang mga Pinoy na makapaglagay ng Philippine flag sa lagoon, dalawa umano sa kanilang miyembro ang nakarating sa entrance ng lagoon at nakapagwagayway ng maliit na watawat.

Tanghali na nang magpasya ang grupo na bumalik sa mainland at binantayan pa rin umano sila ng Chinese Coast Guard habang papakayo ng shoal.

Sa facebook page ng grupo, makikita ang video habang umaawit ng Lupang Hinirang ang mga miyembro ng “Kalayaan Atin Ito” at nasa likod ng kanilang fishing boat ang barko ng China.

Read more...