Deadline ng Abu Sayyaf, wala nang extension; pagpatay sa bihag itinakda ng 3PM
Iginiit ng Abu Sayyaf Group na hindi na nila palalawigin pa ang deadline para sa pagbabayad ng ransom upang mapalaya ang nalalabi pang tatlong bihag nila mula sa Samal Island.
Kabilang dito ang dalawang dayuhan na sina Canadian Robert Hall at Norwegian na si Kjartan Sekkingstad at isang Pinay.
Ayon sa Abu Sayyaf, alas 3:00 ng hapon mamaya ay gagawin nila ang pagpatay kung hindi maibibigay ang P300M na ransom kada isang bihag.
Una dito ay naglabas ng panibagong video ang grupo sa website ng SITE intelligence group at sinabing
pahihirapan ng husto ang dalawang dayuhang bihag kung mabibigo pang ibigay ang hinihingi nilang P300 milyon na ransom kada isa.
Sinabi ng Abu Sayyaf na dadanas ng matinding hirap ang dalawang dayuhan kung mabibigong tugunan ang itinakda nilang deadline.
Magugunitang noong Abril, pinugutan ng ulo ng Abu Sayyaf ang isa sa mga bihag na si John Ridsdel matapos na hindi mabayaran ang P300M na ransom.
Sa panig naman ng mga otoridad, sinabi ng Armed Forces of the Philippines na patuloy ang kanilang operasyon para mailigtas ang mga bihag.
Ayon kay Brigadier General Restitudo Padilla, tuloy-tuloy ang kanilang pagtugis sa bandidong grupo.
September 2015 nang dukutin ng mga bandido sa Samal Island ang tatlong dayuhan at isang Pinay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.