Posibleng tumagal ng limang ang tigil-operasyon ng Philippine National Railways (PNR) para sa paggawa sa 55-kilometer South Commuter Railway project na magdudugtong sa Metro Manila hanggang Laguna.
Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, sinabi ni Department of Transportation Undersecretary Cesar Chavez ang itatagal ng tigil-operasyon ng PNR ay depende sa bilis nang pagtatapos sa proyekto.
“Ang tingin ko mga limang taon. Pero pagkatapos ng limang taon, limang taon mula ngayon, may substantial completion na tayo. Mas maayos na at maginhawa ang sasakyan nila,” sabi nito.
Idinahilan nito ang kaligtasan at bilis kayat kailangan na suspindihin ang operasyon ng PNR.
Nabanggit din nito na P15 bilyon ang maaring matipid kapag walang biyahe ang PNR habang ikinakasa ang proyekto.
Sabi pa ni Chavez na maaring ngayon summer ay titigil na ang biyahe ng PNR bagamat pagtitiyak niya ay maaga silang magbibigay ng abiso sa mga komyuter.