Nabuo kay Senator Risa Hontiveros ang ilang katanungan kaugnay sa pag-aangkat ng 440,000 metriko tonelada ng asukal.
Unang hinanap ni Hontiveros ang pirma ni Pangulong Marcos Jr., sa Sugar Order No. 6.
Kasunod nito, hinanap niya ang pinagbasehan ng 440,000 metriko tonelada gayung aniya ang tatlong malalaking pederasyon ng sugar producers sa bansa ay 330,000 metriko tonelada lamang ang isinusulong.
Nais din malinawan ni Hontiveros ang diskresyon ng Department of Agriculture (DA) para sa pinal na pag-apruba sa dami ng asukal na ilalaan sa importers.
Naiisip ng senadora na maaring maging daan ito para madehado ang iba pang eligible importers at may mapaboran lamang.
Nais din ni Hontiveros na malinawan at maipaliwanag kung sapat maituturing na lehitimo ang importasyon kahit wala pa ang Sugar Order.
Diin niya na sa kanyang pagkakaalam ang imported sugar na ipinasok sa bansa ng walang sugar order ay maituturing na ‘technical smuggling’ at dapat ay isapubliko kung sino ang nagpasok nito sa Pilipinas at kung sino ang nag-apruba.