Pinabulaanan ng China na tinutukan ng kanilang coast guard ang isang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Ayungin Shoal kamakailan.
Kasunod ito ng mga pagkondena ng ibat-ibang bansa sa paggamit ng military-grade laser light ng Chinese Coast Guard sa BRP Malapascua ng PCG.
Iginiit ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Wang Wenbin na hindi buong katotohanan ang iniulat ng PCG.
Pinaninidigan niya na ang naging mga hakbang ng kanilang coast guard ay alinsunod sa kanilang batas at binalaan lamang ang PCG na umalis sa dagat ng Ayungin Shoal.
“During that process, the China Coast Guard ship used hand-held laser speed detector and hand-held greenlight pointer to measure the distance and speed of the Philippine vessel and signal directions to ensure navigation safety,” ani Wang.
Paliwanag pa niya na hindi naman nakakapinsala ang kanilang hand-held laser equipment.
“We need to highlight the fact that the China Coast Guard ship did not direct lasers at the Philippine crew, and the hand-held equipment does not inflict damage on anything or anyone on the vessel. The Philippine side’s allegation does not reflect the truth,” dagdag pa ni Wang.
Ipinatawag na ni Pangulong Marcos Jr., si Chinese Ambassador Huang Xilian sa Malakanyang matapos maisapubliko ang insidente.
Naghain na rin ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Chinese Embassy.
Sinabi pa ni Wang na nagpapatuloy naman ang ‘bilateral communications’ ng dalawang bansa.