Sa pagpapatuloy na pagdinig ng mga panukala para sa pagbuo ng Maharlika Investment Fund (MIF) sa Senado, pinalagan ng mga negosyante ang pag-aalok ng tax discounts sa mga mamumuhunan sa sovereign fund.
Sa pangalawang pagdinig ng Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies, pinamumunuan ni Sen. Mark Villar, napag-usapan ang isinusulong na tax-related incentives para sa MIF.
Nagkaisa ang ilan sa naimbitahang resource persons na hindi pantay para sa kanila ang mga inaalok na insentibo sa pagbabayad ng buwis.
Tinanong sila ni Villar kung mas nanaisin na alisin na lamang ang ‘tax exemptions’ sa MIF.
Nilinaw naman ni Calixto Chikiamco, pangulo ng Federation of Economic Freedom, na ang tanging nais lamang nila ay maging pantay sa pagbibigay ng tax incentives.
Katuwiran niya madedehado sa mga mamumuhunan sa MIF ang maraming pribadong negosyante na pumapasok din sa ibang proyekto ng gobyerno.