Suspek sa Florida nightclub shooting, tumawag pa sa 911 bago ang pamamaril
Kinilala na ng mga otoridad ang suspek na pasimuno ng mass shooting sa isang nightclub para sa mga LGBT sa Orlando, Florida.
Ang suspek ay nakilalang si Omar Mateen, 29-anyos at isa umanong US citizen na may mga magulang na nagmula sa Afghanistan at siyam na taon nang security guard sa Florida.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad na bago ito sumalakay sa establisimiyento, tumawag pa ito sa emergency 911 at sinabing naghayag ito ng kanyang pagsuporta sa Islamic State (ISIS).
Gamit ang isang automatic rifle at isang handgun, nakapasok sa ‘Pulse Nightclub’ ang suspek at nagsimulang namaril dakong alas-2:00 ng madaling-araw oras sa Amerika.
Nang dumating ang mga otoridad, mahigit tatlong oras pang nanghostage ang suspek ng iba pang mga parukyano ng establisimiyento bago ito napatay ng mga otoridad sa isang rescue operation.
Ayon sa ilang mga nakaligtas sa pamamaril, una nilang inakala na bahagi ng special effects ng establisimiyento ang naririnig nilang malalaks na putok.
Huli na nang kanilang mapagtanto na nagmumula na ang mga putok sa high powered rifle na bitbit ng suspek.
Samantala, nagpahayag naman ng pagkondena at pakikiramay ang LGBT community sa iba’t-ibang panig ng mundo ang naturang trahedya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.