Gatchalian nababahala sa magkakaibang bilang ng school bullying cases sa bansa
By: Jan Escosio
- 2 years ago
Pinaaayos ni Senator Sherwin Gatchalian ang magkakaibang bilang ng mga kaso ng school bullying sa bansa.
Sa pagdinig sa Senate Committee on Basic Education ukol sa pagpapatupad ng Anti-School Bullying Act, pinuna ni Gatchalian ang magkakalayong bilang ng mga kaso.
Binanggit ng namumuno sa nabanggit na komite, sa ulat ng media, may naitalang 260,000 kaso ng bullying sa mga eskuwelahan noong 2021 – 2022.
Ngunit sa iprinisinta naman ng Department of Education (DepEd), 11,637 kaso lang ng pambu-bully sa mga paaralan ang naitala bagamat uri ay noong 2019 hanggang 2020.
Hindi kumbinsido si Gatchalian sa datos ng DepEd sa katuwiran na may mga pag-aaral na pumapalo ng 40 hanggang 60 percent ang bullying cases sa mga edad 13-17 o katumbas ng 10 milyon hanggang 12 milyon na estudyante at malayo ito sa naitala lang na mahigit 11,000 na bullying cases ng ahensya.
Aminado naman si Education Asec. Dexter Galban na maraming kaso ng bullying na hindi nai-re-report sa kagawaran.
Tiniyak naman ng ahensya na makikipag-ugnayan sa kanilang research team upang ma-reconcile ang mga datos ng bullying lalo na sa mga rehiyon sa bansa.
Nababahala naman si Gatchalian na batay sa report ng Programme for International Student Assessment (PISA), sa 70 mga bansa, nangunguna ang Pilipinas sa may pinakamataas na kaso ng bullying sa mga kabataan.
Read more...