Pinoy napaulat na nasaktan sa pagpapasabog sa Shanghai airport
Isa umanong Pinoy ang iniulat na napabilang sa apat na nasaktan nang maghagis ng isang homemade bomb ang isang lalake sa loob ng international airport sa Shanghai, China.
Ayon sa ulat ng Xinhua News Agency, bukod sa hindi pa nakikilalang Pinoy, nasugatan din sa insidente ang dalawang Chinese na senior citizens at isa pang biktima na hindi pa batid ang nasyunalidad.
Sa imbestigasyon, bigla na lamang dinukot ng suspek mula sa kanyang bitbit na backpack ang isang bote ng beer na naglalaman ng pampasabog.
Matapos ito, agad na inihagis ng suspek sa haparan ng check-in counter ng Terminal 2 sa Pudong International Airport ang homemade explosive kung saan naroroon ang apat na pasahero.
Dahil sa pagsabog, tinamaan ng shrapnel at mga nabasag na salamin ang mga biktima na ginagamot na sa pagamutan.
Pagkatapos nito, naglabas naman ng patalim ang suspek at naglaslas ng kanyang leeg.
Kritikal ngayon ang suspek sa ospital.
Bagamat ilang flights ng eroplano ang naantala sanhi ng insidente, agad ring nanumbalik ang operasyon ng check-in area na pinangyarihan ng pagsabog.
Iniimbestigahan pa ng mga otoridad ang motibo ng suspek sa ginawa nitong pagpapasabog sa loob ng paliparan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.