Pagbebenta ng alak, ipinagbawal malapit sa venues ng UEFA Euro 2016
Ipinagbawal na muna ng pamahalaan ng France ang pagbebenta at pag-inom ng alak malapit sa mga ginaganapan ng Union of European Football Associations (UEFA) Euro 2016 football tournament.
Ito ay dahil sa rambol na nangyari sa pagitan ng mga fans ng Russian team at English team bago pa man magsimula ang laban ng dalawang koponan.
Ayon kay Interior Minister Bernard Cazenueve, sadyang hindi katanggap-tanggap ang naging asal ng mga football fans sa gulo sa Vieux Port area ng Marseille City.
Ito na ang pinaka-marahas na pag-aabot ng mga fans sa isang international tournament, kung saan 30 katao ang nasaktan.
Nasa 1,200 riot police ang kinailangan para lamang makontrol ang sitwasyon kung saan nagbatuhan ng mga bote at upuan ang daan-daang mga fans ng Russia at England, at karamihan sa kanila ay mga lasing.
Dahil rin dito, binalaan pa ng UEFA ang mga koponan ng Russia at England na hindi na sila isasama sa laro kung mauulit pa ang ganitong pangyayari.
Sinabihan na rin ng pamahalaan ang mga tindahan malapit sa venues na huwag magbenta ng inumin na nakalagay sa isang bagay na maaring ipambato ng mga fans sa isa’t isa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.