Mayor Oscar Malapitan, nagdeklara ng “all-out war” laban sa ilegal na droga sa Caloocan City

Caloocan City Mayor Oscar Malapitan
Caloocan City Mayor Oscar Malapitan

Nagdeklara na si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ng ‘all-out war’ laban sa talamak na bentahan ng ilegal na droga sa kanyang siyudad.

Ayon kay Malapitan, ang kanyang hakbang ay bilang pagpapakita ng suporta kay President-elect Rodrigo Duterte, na noon pa ma’y kilala sa anti-drug campaign nito.

Sinabi ng Alkalde na simula sa July 01, 2016, palalakasin ng lokal na pamahalaan ang operasyon nito, lalo na sa pagbuwag sa mga drug network.

Hinimok naman ni Malapitan ang mga kababayan na magbigay sa mga otoridad ng tip kaugnay sa mga nasa likod ng illegal drugs sa Caloocan City, kapalitan ng malaking halaga ng reward.

Ani Malapitan, maaaring P50,000 hanggang P100,000 ang reward, depende sa makukumpiskang shabu o impormasyon na maibibigay sa kanila.

Kinumpirma rin nito na inatasan na niya ang mga opisyal ng barangay at mga pulis na ibigay sa kanya sa loob ng labing limang araw ang listahan ng mga personalidad na sabit sa droga.

Kapag bigong makapagsumite ng listahan, ituturing na padrino o protector ng mga kriminal ang barangay at police officials.

Naniniwala si Malapitan na kapag nagtulong-tulong ang Presidente at local na pamahalaan, magiging mas mabilis ang pagtamasa sa target na linisin ang bansa mula sa droga.

Bukod naman sa pagpapalakas ng anti-drug campaign, sinabi ni Malapitan na magpapairal na rin ang Caloocan City ng curfew hours, ban sa pag-inom ng alak sa pampublikong lugar at paglabas sa kalsada nang walang pang-itaas na saplot.

 

Read more...