Ibinunyag ni Senator Imee Marcos na may puwersa na pinamamadali ang pag-apruba sa Regional Cooperation Economic Partnership (RCEP).
Aniya ipinalalabas ng hindi niya tinukoy na puwersa na ang Pilipinas na lamang ang hindi pumipirma sa kasunduan.
Paliwanag ni Marcos sa kanyang posisyon, nagsaliksik siya at kinonsulta ang mga nasa sektor ng agrikultura at maliliit na negosyo ukol sa isyu.
Sinabi nito na nababahala ang kanyang mga nakausap dahil pakiramdam nila ay walang aalalay sa kanila sa pandaigdigang kalakalan.
“Hindi na nga sila makahinga sa malawakang smuggling, hoarding at panloloko, hindi pa rin naibibigay ang mga pangangailangan ng mga magbubukid pansagot sa mass importation,” dagdag pa nito
“Bilang isang probinsyana, anak ng agrikultura, hindi kaya ng aking konsensya na tayuan ang RCEP kung padadapain nito ang ating mga kababayan; iminungkahi ko na bumuo ng isang subcommitte na mas hihimay sa mga saloobin ng mga magsasaka, mangingisda at mga maliliit na negosyante,” aniya.
Dagdag pa niya: “Lahat ng ito ay dulot ng aking paninindigan hindi bilang kapatid ng nasa kapangyarihan, kundi bilang anak ng legasiya ng aking ama na laging unahin ang nakararami at mas nangangailangan.”