Sang-ayon ang ilang senador sa panukala na kinakailangan ng lisensiya ng isang establismento para sa pagbebenta ng mga nakakalasing na inumin.
Unang ipinunto ito ni Sen. Raffy Tulfo sa pagdinig ng Committee on Women, na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros, kaugnay sa dumadaming kaso ng maagang pagbubuntis sa hanay ng mga kabataan.
Naniniwala ang senador na sa ganitong paraan ay maiiwasan ang pagbili ng alak ng mga kabataan at maaring bumaba na ang kaso ng ‘teenage pregancy’ sa bansa.
“Kapag nag-violate ka, nagbenta ka ng liquor sa minor, kakanselahin ‘yung lisensya mo forever. Hindi ka na pwede magtinda ng liquor. Kapag nagpumilit ka, pwede ka makulong,” sabi ng senador.
Dapat din aniya pagmultahin ang mga nasa tamang edad na bibili ng alak para sa mga kabataan.
Dagdag pa nito, kailangan din ang mahigpit na pagbabantay sa mga kabataan sa mga clubs, hotels at motels at dapat ang mga ganitong establismento ay malayo sa mga paaralan upang mailayo sa tukso ang mga menor de edad.