Ngayon araw inaasahan na ibabalik na rin sa Japan ang sinasabing criminal gang leader at isa pa sa kanyang mga miyembro, ayon sa Department of Justice (DOJ).
Kasunod ito nang pagbasura ng korte sa Pasay City sa mga kaso nina Yuki Watanabe, ang itinuturong crime boss, at Tomonubu Saito.
Kahapon, nakabalik na sa Japan ang dalawa pang suspek, sina Fujita Toshiya and Imamura Kiyoto at binanggit ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na kung ibabasura ang mga kaso nina Watanabe at Saito ay agad din ipapa-deport ang mga ito.
Unang hiniling ng government prosecutors na ibasura na ang mga kaso para makauwi at maharap ng apat ang kanilang mga kaso sa Japan.
Base sa mga ulat ng Japanese media, tinukoy si Watanabe na pinuno ng robbery group sa Japan at isang 90-anyos na babae ang kanilang napatay.
Nagawa ni Watanabe na ipagpatuloy ang operasyon ng kanyang grupo mula sa kanyang selda sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City sa pamamagitan ng cellphones, na nadiskubre ng mga taga-Bureau of Immigration.
Inaasahan na babantayan sina Watanabe at Saito ng mga naiwan na tauhan ng Tokyo Metropolitan Police.