PDEA drug haul sa PBBM-administration umabot na sa P30-B
Humigit na sa P30 bilyong halaga ng mga ilegal na droga ang nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr.
Ayon kay Presidential Communications Sec. Cheloy Garafil, bunga ito ng pinaigting na anti-drugs campaign ng administrasyon.
Base sa 2022 accomplishment report na isinumite ng PDEA sa Malakanyang, nasa P27.8 bilyong halaga ng mga ilegal na droga, controlled precursors at essential chemicals (CPECS) ang sinira.
Nabatid na nasa 37,000 drug operations ang ginawa ng pamahalaan kung saan nasa 53,002 drug personalities ang naaresto.
Nasa 237 marijuana sites o P738.6 milyong halaga ng marijuana ang sinira.
Nagsagawa rin ang PDEA ng 257,588 na Preventive Education and Community Involvement (PECI) activities at nagtatag ng 111 Balay Silangan Reformation Centers kung saan nasa 2,000 ang naka-graduates at 894 ang nabigyan ng trabaho.
Sinabi pa ng PDEA na nasa 300,000 Persons Who Use Drugs (PWUDs) sa drug-cleared barangays ang sumailalim sa community-based drug rehabilitation programs, habang 67,045 PWUDs ang nabigyan ng intervention programs. Karamihan sa mga nakumpiskang ilegal na droga ay shabu, marijuana at ecstasy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.