Vargas, saludo sa priority na ibinigay ni PBBM sa anti-cancer center
By Chona Yu February 06, 2023 - 06:04 PM
Nagpaabot ng pasasalamat si dating Quezon City Congressman at ngayo’y Councilor Alfred Vargas kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pag-apruba nito sa pagtatayo ng isang state-of-the-art 300-bed national cancer center.
Bilang pangunahing may-akda ng National Integrated Cancer Control Act, sinabi ni Vargas na ang pagbibigay ng Pangulo ng prayoridad sa cancer care at treatment ay makakaligtas ng libu-libong Pilipino.
“Ipinaglaban natin ang isang comprehensive cancer control law noong 17th Congress para matugunan ang lumulubhang paglaganap ng kanser sa buong bansa. Lubos ang aking pasasalamat na isa ito sa pangunahing programa ng mahal na Pangulong Marcos,” sabi ni Vargas.
Dagdag ni Vargas, matagal na ang pangangailangan ng bansa para sa isang upgraded cancer center ngunit sa administrasyon lang ni Pangulong Marcos matutuloy ito.
“Ang diagnosis na kanser ay karaniwang nagiging death sentence sa mga pasyente at sa kanilang pamilya dahil sa napakamahal na pagpapagamot o kawalan ng access sa epektibong therapy. Malaki ang papel ng gagawing cancer center para masolusyunan ito,” saad ng dating House Committee on Social Services Chair.
Ang itatayong cancer center sa Philippine General Hospital (PGH) ang pinakaunang malaking public-private partnership (PPP) ng administrasyon at nakatakdang buksan sa 2025. Ayon sa Palasyo, magtataglay ito ng full range ng cancer treatments, tulad ng radiotherapy, imaging at medical oncology.
Mula sa datos ng Department of Health (DOH) at World Health Organization (WHO), ang cancer ay nanatiling isa sa top causes ng kamatayan sa bansa.
“Kamakailan lang, nawalan ako ng tita dahil sa cervical cancer. Pumanaw din ang aking ina dahil sa sakit na ito noong 2014. Napaka-personal na advocacy ang cancer control sa akin. Halos lahat ng Pilipino ay may kamag-anak na biktima ng kanser. Kaya’t lubos-lubos ang papasalamat kong kaisa tayo ng Pangulo sa labang ito,” sabi ni Vargas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.