Naghain si Senator Risa Hontiveros ng resolusyon sa pagnanais nitong maimbestigahan sa Senado ang pagmimina ng Altai Philippines Mining Corporation.
“Hindi dapat nauuwi sa karahasan ang mapayapang pagtutol ng mga residente sa panghihimasok ng mga kumpanyang nagmimina sa sarili nilang tahanan,”sabi ni Hontiveros sa inihain niyang Senate Resolution No. 459.
Binanggit nito na dalawang residente na ang nasaktan sa pagbuwag ng protesta ng mga tutol sa pagmimina sa isla.
Dalawang linggo na ang human barricade ng mga residente sa APMC private port, na sinasabing wala ring pahintulot sa Philippine Ports Authority (PPA).
Diin ni Hontiveros karapatan ng mga residente na mag-protesta at aniya dapat ay inirerespeto ito ng mga awtoridad.
Kasabay nito, inanunsiyo ng kompaniya na pansamantalang sinuspindi ang pagsasagawa nila ng ‘testing and exploration activities’ sa isla simula ngayon araw.
Diin pa ng APMC na makikipagtulungan sila sa lahat ng kinauukulang ahensiya para malinawan ang mga isyu.