Kinailangan na ilikas ang 283 pamilya o 822 indibiduwal upang hindi madamay sa magkahiwalay na engkuwentro ng puwersa ng gobyerno at mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Kabankalan City, Negros Occidental.
Nabatid na may tatlong rebelde na ang kumpirmadong napatay sa dalawang engkuwentro sa Barangay Oringao.
Samantala, ang mga inilikas naman na pamilya ay pansamantalang nasa covered court ng naturang barangay.
Sa ulat ng Philippine Army, ala-5 ng hapon noong Sabado nang makasagupa ng mga pulis ang ilang armadong lalaki na nangongotong at nanghihikayat ng mga sasali sa NPA.
Kahaponn, alas-8 ng umaga ay muling nagkaroon ng sagupaan ang mga humahabol na mha sundalo at pulis at ang mga tumatakas na rebelde.
Narekober sa lugar ang isang M14 rifle, isang kalibre .45 na baril, isang .38 revolver, mga bala, mga subersibong dokumento at personal na gamit ng mga rebelde.