Dinagsa ng diplomatic corps at matataas na opisyal ng bansa ang kahuli-hulihang Independence Day Vin d’Honneur ni outgoing President Noynoy Aquino sa kanyang admimistrasyon.
Present sa pagtitipon, na ginanap sa Rizal Hall sa Malacañan Palace, ang Presidential sister na si Viel Aquino-Ty.
Kabilang din sa mga dumalo si Vice President-elect Leni Rodredo na naka-pink na saya; Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno, outgoing House Speaker Feliciano Belmonte Jr., members of the cabinet, mga church official at iba pang VIPs.
At dahil Araw ng Kalayaan, pawang Filipino dishes ang kabilang sa menu para sa Vin d’Honneur.
Inihain para sa mga bisita ang ‘Rice in mini bowls’ gaya ng brown rice o sinangag rice; Longganisa mula Cebu, Vigan at Pangasinan; Adobo Flakes, Spciy Tuyo, Sirloin Tapa, Crispy Corned Beef, Sigarilyas Salad, Davao Pomelo, Papaya Atsara at Kesong Puti.
Isa sa mga highlight ng okasyon ang video presentation ni Pangulong Aquino hinggil sa pagkakakulong sa kanyang amang si dating Senador Ninoy Aquino at Martial Law experience nito.
Sinabi ni Pnoy na ang People Power ang bumawi sa demokrasya, at naging tulay sa people empowerment.
Ang People Power din aniya ang nagbalik sa gobyerno sa tunay nitong mandato, ang arugain at bigyang lakas ang taumbayan.
Ani pa ni Pangulong Aquino, sa huli niyang pagharap sa kanyang mga ‘boss’ at sa koro diplomatiko, masasabi raw niyang tinupad niya ang kanyang panata.
Ito ay ang isinumpa niya na sa kanyang pagbaba sa pwesto ay iiwan niya ang Pilipinas nang mas maayos kaysa sa dinatnan.