Blue Ribbon probe sa pagkuha ng Pagcor ng third party auditor inihirit ni Gatchalian
Naghain ng resolusyon si Senator Win Gatchalian para maimbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagkuha ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) ng third party auditor para mabusisi ang kabuuang kita ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Paliwanag ni Gatchalian layon ng kanyang resolusyon na makilala ang mga responsable at mapanagot ang mga responsable sa sinasabing maanomalyang pagkuha sa serbisyo ng Global ComRCI
“It is imperative that the seemingly anomalous government procurement and public expenditure must be examined in order to maintain the trust and confidence of the people to the government,” ani Gatchalian.
Unang nadiskubre sa pagdinig ng pinamumuan ni Gatchalian na Committee on Ways and Means na nabigo ang Pagcor na makasunod sa ‘procurement rules’ sa pagpasok sa 10-year P6-billion contract sa GlobalRCI noong 2017.
“Kailangang busisiin nang maigi ang kwestiyonableng pagpili sa Global ComRCI bilang third party auditor ng mga POGO. Kung mayroong paglabag sa batas, kailangan ring malaman kung sino ang mga nagkasala o lumabag sa batas,” dagdag pa ng senador.
Nadiskubre na hindi nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang naturang audit firm, wala itong opisina at wala din itong business permits, bukod sa hindi rehistrado sa Bangko Sentral ng Pilipinas ang Soleil Chartered Bank na nag-isyu ng awtorisasyon para sa kinakailangan ‘operating capital’ na hindi bababa sa P1 bilyon.
Pagdidiin pa ni Gatchalian maaring madehado ang gobyerno sa pagbabayad sa mga buwis ng POGOs dahil sa kakulangan din ng ‘technical capability’ ng kinontratang audit firm/
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.