Inaprubahan na ni Pangulong Marcos Jr. ang pagtatatag ng Water Resource Management Office na mangangasiwa sa water resources ng bansa.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa multi-sectoral meeting sa Malakanyang kung saan ipinatawag ang mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Mahalaga ayon sa Pangulo ang pagtatatag ng naturang tanggapan para magsilbing roadmap sa waste management agencies.
“Kaya nga kailangan sumunod sa plano. That’s why we have to strengthen the mandate of the Water Management Office. We have to bring them together so that they are all following the overall plan,” pahayag ng Pangulo.
“So that whatever the relationship we come to with MWSS (Metropolitan Waterworks and Sewerage System) and Local Water Utilities Administration (LWUA) and the Water Board, DENR (Department of Environment and Natural Resources) and this new Water Management Office, it has to be cohesive in the sense that kailangan ‘yung recommendation ng management office sinusundan,” dagdag ng Pangulo.
Unang tungkulin ng WRMO ayon sa Pangulo ay bawasan ang pagiging dependent ng bansa sa deep wells at ayusin ang pag manage sa water supply.
“That’s as far as I could tell. We have sufficient… there’s enough water in the Philippines hindi lang natin ginagamit, tinatapon natin,” pahayag ng Pangulo.
Ikinakasa na ng Pangulo ang paggawa ng isang executive order para magkaroon ng maayos na koordinasyon ang National Water Resources Board (NWRB), Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at Local Water Utilities Administration (LWUA) at iba pang water-related agencies ng DENR.
Isasailalim sa DENR ang WRMO at magsisilbing transitory body habang binabalangkas pa ang batas sa pagtatatag ng Water Resources Department.