Umabot na sa 103,000 na persons deprived of liberty o mga bilanggo ang napalaya na ng Bureau of Jail Management and Penology.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, bahagi ito ng pagpapatupad ng sero overstaying policy ng pamahalaan.
“Saludo ako sa BJMP sa kanilang decongestion efforts. Matagal ng problema ang kasikipan ng mga kulungan at nararapat lamang na tuloy-tuloy ang ating pagsusumikap na tugunan ito,” ani Abalos.
“I know for sure that BJMP will not stop here. Alam kong patuloy nilang pangungunahan ang pagpapabuti ng kalagayan ng ating mga kababayang PDL,” dagdag ng kalihim.
Ayon kay Abalos, ikinagagalak niya ang paglaya ng 77,960 PDLs noong 2022 sa pamamagitan ng paralegal services at ang paglaya ng 25,333 PDLs sa pamamagitan ng ibang paralegal modes.
Dagdag din ng kalihim, ayon sa datos ng BJMP, may 6,288 PDLs o 10% sa kabuuang 130,138 na average monthly jail population ang lumalaya sa kanilang jail facilities kada buwan.
Aniya, nagpapasalamat siya sa BJMP sa kanilang programang palayain ang mga kwalipikadong PDLs at sa pagpapanatili nito ng “zero overstaying PDLs” sa kanilang 478 jail facilities sa buong bansa.
Mula sa huling datos, mayroong 367% congestion rate ang BJMP o 126,820 PDLs sa buong bansa.
“BJMP is utilizing all legal means to decongest our jails, and we are grateful that President Marcos is supporting these efforts,” pahayag ni BJMP Chief, Jail Director Allan Iral.
Matatandang inutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang patuloy na pagpapalaya sa mga PDLs na kwalipikado para sa parole.