VAT refund program para sa mga dayuhang turista inaprubahan ni Pangulong Marcos

Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapatupad ng value added tax program para sa mga dayuhang turista. Simula sa 2024 ang mga dayuhang bibisita sa bansa ay pagkakalooban ng VAT refund. Sa ilalim ng programa, ang mga dayuhang turista ay makakakuha ng VAT refund sa mga binibili nilang produkto sa Pilipinas. Layunin nitong mas makahikayat pa ng maraming turista para bumisita sa bansa. Inaprubahan din ni Pangulong Marcos ang paglulunsad ngayong taon ng online visa para sa mga Chinese, Indian, South Korean at Japanese tourists. Aalisin na din ang One Health Pass (OHP) para sa immigration at customs. Ang VAT Refund Program at e-visa ay bahagi ng “Quick Wins” recommendations ng Private Sector Advisory Council (PSAC) Tourism Sector Group sa pangulo. Layon ng Quick Wins proposal ng PSAC na mas mapaigting pa ang tourism industry sa bansa. Sinabi rin ng PSAC officials kay Pangulong Marcos na pinaplantsa na din ang pagkakaroon ng mobile app na tatawaging e-Travel kung saan pag-iisahin na ang mga impormasyon sa immigration, customs, health, at quarantine. Inaasahang simula sa buwan ng Pebrero ay magagamit na ang nasabing app. Ang mga turista ay maaring mag-fill up ng form sa pamamagitan ng app bago sumakay o habang sakay ng eroplano basta’t mayroon silang internet connection. Ang PSAC ay binubuo ng mga business leaders at industry experts sa nagbibigay ng technical advice sa Pangulo.

Read more...