Pinayagan ng Sandiganbayan si Senator Bong Revilla Jr., na madalaw sa ospital ang ama na si dating Senador Ramon Revilla Sr.
Bagaman tinutulan ng prosekusyon ang nasabing kahilingan ng kampo ng senador dahil hindi naman umano maituturing na life threatening ang kalagayan ng ama nito, sinabi ng Sandiganbayan na “for humanitarian reason” ay pinapayagan nitong makalabas pansamantala ng kaniyang detention cell si Revilla.
Sa kaniyang petisyon, hiniling ni Revilla na makalabas ng detention facility sa loob ng 5-oras para madalaw niya ang maysakit na ama na nasa St. Lukes Medical Center sa Global City, Taguig.
Hiniling ni Revilla na malakabas mula alas 3:00 ng hapon hanggang alas 8:00 ng gabi ngayong araw, Martes o di kaya ay bukas, araw ng Miyerkules.
Si dating Senador Revilla Sr., ay isinugod sa ospital noong July 11 at ipinasok sa intensive care unit. Bagaman nailipat na sa regular room ang 88 anyos na si Revilla ay nananatili pa rin itong mahina at patuloy na inoobserbahan./ Erwin Aguilon
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.