Taas-pensyon sa mahihirap na ‘seniors’ malaking tulong -partylist solon

Magandang balita na maituturing ayon sa isang partylist representative ang anunsiyo na nakapaloob sa 2023 General Appropriations Act ang P50 bilyon para sa pagdoble sa buwang pensyon ng mga mahihirap na senior citizens sa bansa.   Sinabi ni Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes na higit 4.1 milyon ang makikinabang sa pagtaas sa P1,000 ng indigent senior citizen social pension.   Noong 18th Congress isinulong ni Ordanes na madoble ang buwanang P500 pensyon ng mga mahihirap na senior citizens.   At nang maging batas ito sa pagpasok ng administrasyong-Marcos Jr., ay pinagsumikapan ni Ordanes na maisama ang kinakailangan na karagdagang P25 bilyon sa 2023 national budget.   Kamakalawa, inanunsiyo ni Sen. Sonny Angara na naiendorso nila na maisama nag kinakailangang pondo para sa karagdagang pensyon ng indigent senior citizens sa 2023 GAA.   Si Angara ang namumuno sa Senate Committee on Finance at ang nag-sponsor ng 2023 GAA sa Senado bago ito isinumite sa Malakanyang.   “Malaking tulong ang dagdag na pensyon sa pangangailan ng ating senio citizen’s beneficiaries lalo na ngayon mataas ang presyo ng mga bilihin,” sabi pa ni Ordanes at idinagdag nito; “Pagkilala lamang ito sa kahalagahan ng nagawa ng ating mga nakakatanda sa ating lipunan.”   Ngayon ay isinusulong naman ni Ordanes ang Universal Pension Act, kung saan ang lahat ng 60 anyos pataas sa bansa, anuman ang katayuan sa buhay, ay magkakaroon ng pensyon.

Read more...