Seguridad sa mga eskwelahan sa QC, pinahihigpitan

 

Photo credit: Quezon City government

Pinahihigpitan na ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pagpapatupad ng seguridad sa mga eskwelahan sa lungsod.

Ginawa ni Belmonte ang utos matapos ang pananaksak ng isang senior high school student sa kanyang ka-klase sa Culiat High School.

Nagsagawa na ng consultative meeting si Belmonte sa Quezon City Police District (QCPD), Social Services and Development Department (SSDD), Schools Division Office (SDO), Education Affairs Unit (EAU), Office of the Assistant City Administrator for Operations, QC Public School Teachers Association, QC Parent-Teachers Association, Northcom Security and Investigation Agency at barangay officials.

“While we consider this an isolated case, the incident underscored the need to come up with additional security interventions in our public learning institutions,” pahayag ni Belmonte.

Sinabi pa ng Mayor na dapat na magsagawa ng random security checks sa mga eskwelahan para masigurong ligtas ang mga estudyante at mga guro.

“Kailangan nating paigtingin ang seguridad sa ating mga paaralan upang hindi na maulit pa ang insidente na nangyari sa Culiat High School,” pahayag ni Belmonte.

Pinatitiyak naman ng DPOS sa mga eskwelahan na mayroong contingency at crisis management plans na ipanatutupad.

Nais din ni Belmonte na lagyan ng karagdagang CCTV cameras ang mga eskwelahan at paigtingin ang values formation programs pati na ang pagdadagdag ng guidance counselors sa mga pampublikong paaralan.

Inatasan din ni Belmonte ang mga barangay na pondohan ang mga programa na laan sa out-of-school youth (OSY).

Base sa talaan ng QCPD, karamihan sa mga krimen na kinasasangkutan ng mga OSY ay rape at pagnanakaw.

 

 

Read more...