Nais ni Senator Raffy Tulfo na mabigyan ng libreng libing ang mga mahihirap na pamilyang Filipino.
Sa kanyang Senate Bill 1695 o ang ‘Free Funeral Services Act,’ nais ni Tulfo na mapagtibay ang ipinagkakaloob na ‘burial assistance.’
Aniya napakahalaga ng libing sa mga Filipino para maipakita at maipadama ang kanilang pagluluksa, ngunit kapag may namatay, naiiwanan din ng malaking pagkaka-utang ang mga naulila dahil sa mga gastusin.
Sinabi ng senador na ang burol hanggang libing sa Pilipinas ay nagkakahalaga ng P10,000 hanggang P100,000.
Sa kanyang panukala, ang mga magiging benepisaryo ng libreng libing ay ang mga pamilya na hanggang P15,000 ang buwanang kita at wala sariling bahay at lupa, maging sasakyan.
Magiging libre ang embalsamo sa bangkay, kabaong at dalawa hanggang tatlong araw na burol at pagpapalibing.