Ayungin Shoal at Bajo de Masinloc, bantay sarado na ng PCG
Limang barko ang ipinakalat ng Task Force on West Philippine Sea sa Ayungin Shoal at Bajo de Masinloc.
Hakbang ito ng pamahalaan matapos ang panibagong insidente kung saan itinaboy na naman ng Chinese Coast Guard ang mga Filipinong mangingisda sa Ayungin Shoal.
Ayon kay Philippine Coast Guard Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng Task Force on West Philippine Sea, kinausap ng kanilang hanay ang boat captain ng mga Filipinong mangingisda kung saan kinumpirma nito nakaranas sila ng harassment mula sa mga tauhan ng Chinese Coast Guard noong Enero 9.
Lumapit ng hanggang 800 yards ang Chinese Coast Guard ang mga Filipinong mangingisda bago tuluyang itinaboy.
May mga affidavit na aniya ang mga Filipinong mangingisda at kinuha na rin ang video para maging ebidensya sa paghahain ng diplomatic protest laban sa China.
Ayon kay Tarriela, inaatasan ang limang barko na umagapay at protektahan ang interes ng bansa pati na ang mga Filipinong magingisda na pumapalaot sa West Philippine Sea na sakop ng Pilipinas.
Pero pag-amin ni Tarriela, sa lawak ng West Philippine Sea, hindi kakayanin ng PCG na bantayan ang lahat ng isla.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.