Tumungo si Turkish President Recep Tayyip Erdogan sa United States para magbigay pugay at dumalo sa funeral services ng boxing icon na si Muhammad Ali, ngunit napabilis rin ang kaniyang pag-alis.
Ayon sa Dogan news agency ng Turkey, ito ay dahil hindi pinayagan si Erdogan na maglapat ng isang ceremonial cloth sa kabaong ni Ali habang isinasagawa ang funeral prayers.
Bago pa man umano dumating si Erdogan sa U.S., tinanggal na siya ng mga organizers sa listahan ng mga sana’y magsasalita sa funeral ni Ali dahil sa kakulangan ng oras.
Isa pa umano sa dahilan kung bakit napabilis ang pag-alis ni Erdogan ay dahil sa iringan sa pagitan ng mga U.S. secret service officials at presidential bodyguards ni Erdogan dahil sa isyu ng standing room.
Naging malapit si Ali sa bansang Turkey nang pumunta siya doon noong October 1976 kung saan nakilala niya si dating Turkish Deputy Prime Minister Necmettin Erbakan na naging mentor ni Erdogan.