Presyo ng itlog, pinababantayan ni Pangulong Marcos
Pinasusuri ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Department of Agriculture ang pagtaas ng presyo ng itlog sa merkado.
Sa pulong sa Malakanyang, inatasan ng Pangulo si Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban na makipagpulong sa mga egg producers at traders sa bansa.
Nais kasi malaman ng Pangulo kung ano ang rason ng pagsirit ng presyo ng itlog.
Pinasusuri ng Pangulo kung anong hakbang ang maaring magawa ng pamahalaan para mapigilan ang pagtaas ng presyo ng itlog at masiguro na makakayanan pa rin ng bawat pamilyang Filipino ang abot kaya at masustansyang pagkain.
Base sa ulat ng DA, nasa P9 na ang presyo ng itlog ngayon.
Mas mataas ito kumpara sa P7 na presyo ng itlog noong Disyembre.
Ayon sa DA, dapat ay naglalaro lamang sa P7 hanggang P7.50 ang presyo ng bawat itlog.
Una nang sinabi ng Philippine Egg Board Association na bumaba ang produksyon ng itlog dahilan para tumaas ang presyo sa palengke.
Itinuturong dahilan ng grupo ang mataas na gastos ng mga breeders ng manok.
Sa monitoring ng DA, may mga negosyante na nagbebenta ng itlog ng hanggang P9.60 bawat piraso.
Pinulong na rin ng DA ang Price and Volume Watch Committee at Advisory Groups for Livestock and Poultry para bantayan ang presyo ng itlog sa buong bansa.
Una nang sinabi ni DA Assistant Secretary Kristine Evangelista na pinagsusumikapan ng kanilang hanay na tanggalin ang mga middleman para maiwasan ang pagtaas pa ng presyo ng itlog.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.