Mga tow trucks, sasamahan na ng mga MMDA traffic aides

By Kabie Aenlle June 11, 2016 - 04:16 AM

mmdaNasa 30 traffic constable na may bitbit na tablet computers at mga traffic violation tickets ang ikinalat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga Mabuhay lanes.

Sila ay nagsilbing mga “buddy” ng mga tauhan ng towing firms na accredited ng ahensya, at ang pangunahin nilang layunin ay ang bantayan ang mga ito upang maiwasan na ang mga pangingikil at pangaabuso.

Ginawa ito ng MMDA sa harap ng mga dumaraming reklamo ng mga motorista kaugnay ng mga mapang-abusong towing operators na naniningil ng malaking halaga para hindi hatakin ang kanilang sasakyan.

Ayon kay MMDA Traffic Discipline Office head Cris Saruca, bahagi ito ng kanilang reorganization upang maiwasan na ang mga katulad na reklamo mula sa mga motorista.

Sa ganitong sistema, sasamahan ng isang traffic constable ang bawat tow truck na naka-deploy, at kung may makita silang iligal na nakaparadang sasakyan pero naroon ang may-ari, bibigyan lang nila ito ng traffic ticket.

Sakali namang walang tao ang sasakyan, gagamitin ng traffic constable ang tablet na dala niya para isend sa MMDA Metrobase ang litratong magpapatunay sa paglabag.

Kasama niyang ipapadala ang detalye ng kung anong oras ito namataan, saan, mga impormasyon tungkol sa sasakyan at sa towing crew at truck na gamit nila.

Magbabalik naman ang Metrobase ng reference number at “clearance to tow” sa traffic aide, kaya wala nang magaganap na pag-uusap sa pagitan ng motorista at ng towing staff.

Ipapadala na rin ang reference number sa impounding area, at hihintayin ng mga staff doon ang sasakyang dadalhin doon ng tow trucks.

Kasabay rin ng pagsisimula ng buddy system ay ang paglulunsad ng MMDA ng iTow app na maaring i-download ng mga iOS at Android users, para maberipika nila kung accredited ba ang towing company na humatak sa kanilang sasakyan.

Sa pamamagitan rin ng app na ito na naka-kontekta sa towing and impounding unit ng MMDA, wala nang overpricing dahil makikita ng user ang eksaktong distansya ng kung saan hinila ang sasakyan niya papunta sa impounding area.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.