Ex-Sen. Leila de Lima palayain na rin – Koko

Inihirit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na mapalaya na rin si   Senator Leila de Lima kasunod nang  pagpapalaya kay Attorney Gigi Reyes, ang  dating Chief of Staff ni dating Senate President Juan Ponce Enrile. Nakalaya si Reyes matapos katigan ng Korte Suprema nitong Enero 17 ang ‘petition for habeas corpus’ dahil sa halos siyam na taong pagkakakulong pero wala namang paghatol o nagiging resulta ang kasong kinaharap nito kaugnay sa pork barrel scam. Puna rito ni Pimentel, ang pinakahuling desisyon ng Korte Suprema tulad kay Reyes ay dapat na mai-apply ng pantay sa lahat ng mga Pilipinong nakararanas ng mahabang pagkakakulong dahil sa napakabagal na paggulong ng hustisya sa bansa. Isa aniya sa candidate beneficiary ng patas na aplikasyon ng latest ruling ng Korte Suprema ay si de Lima. Si de Lima ay nakakulong mula pa noong February 2017  dahil sa drug-trading cases. Hanggang ngayon ay hindi pa rin napapatunayan ng korte ang mga alegasyon kay de Lima  at naibasura na ang isa sa tatlong kaso na isinampa laban sa kanya. Maliban kay de Lima, iginiit pa ni Pimentel na ang parehong ‘principle’ ng pansamantalang kalayaan ni Reyes ay ibigay din ng patas sa mga mahihirap na Pilipinong matagal na ring nasa detensyon at hindi nabibigyan ng tamang representasyon sa korte. Binigyang diin pa ni Pimentel na ang karapatan sa mabilis na paglilitis ng kaso ay isang constitutional right ng bawat Pilipino.

Read more...