Walang nag-positibo sa paggamit ng kahit anong uri ng droga sa lahat ng 96 police sub-station commanders na nasa ilalim ng Southern Police District (SPD).
Ito ang ibinahagi ni SPD director, Brig. Gen. Kirby Kraft, na ipinatawag ang 96 opisyal para sa surprise drug test noong nakaraang Miyerkules sa SPD Headquaterts sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Ayon pa kay Karft ang surprise drug test ay alinsunod sa isinasagawang ‘internal cleansing program’ sa pambansang pulisya.
Ang mga nagpa-drug test ay mula sa mga sub-stations sa mga lungsod ng Makati, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, Taguig at bayan ng Pateros.
Pinuri naman agad ni NCRPO director, Maj. Gen. Jonnel Estomo ang ginawa ni Kraft.
“Ako ay natutuwa sa naging hakbang ng Southern Police District na isailalim ang kanilang Sub-Station Commanders at Deputies sa random drug test bilang tugon sa kampanya ng ating SILG na linisin ang ating hanay mula sa mga pulis na gumagamit at involved sa iligal na droga,” ani Estomo.
Magugunita na ang lahat ng generals, colonels, maging station commanders sa Metro Manila ay una nang sumailalim sa drug test.