2 dating pulis na isinabit sa ‘e-sabong kidnap case,’ sumuko

Sumuko ang dalawang dating pulis na isinasangkot sa pagdukot sa isang e-sabong master agent.

Lumitaw sa opisina ng PNP – Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) sina dating Staff Sgt. Darly Paghangaan at dating Pat. Rigel Brosas noong Huwebes, Enero 19.

Dalawang araw bago ang pagsuko ng dalawa, isang korte sa Laguna ang naglabas ng warrant of arrest para sa kanila dahil sa mga kasong kidnapping, serious illegal detention, at robbery with violence.

Sinabi ni PNP-IMEG director, Brig. Gen. Warren de Leon ang pagsuko sina Paghangaan at Brosas ay bunga ng serye ng mga negosasyon.

Base sa record, nagpakilala ang dalawa kasama ang isang Pat. Roy Navarette na mga ahente ng NBI nang pinasok ang bahay ni Ricardo Lasco noong Agosto 2021.

Pinagnakawan diumano nila ang pamilya ni Lasco.

Kinilala naman sina Paghangaan at Brosas ng misis ni Lasco, kanyang hipag at biyenan na pumasok at nagnakaw sa kanilang bahay.

Samantala, hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan si Lasco, gayundin si Navarette.

 

Read more...