Barangay gardening at urban farming program ng DILG, suportado ni QC Coun. Vargas
By: Chona Yu
- 2 years ago
Suportado ni Quezon City Councilor Alfred Vargas sa programang “Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay (HAPAG) sa Barangay Project” ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay Vargas, makakatugon ang nasabing programa sa pagtaas ng presyo ng ilang pangunahing bilihin.
“Malaking suliranin ngayon ng ilan nating kababayan ang mataas na presyo ng mga produktong pang-agrikultura tulad ng gulay. Sa programang ito, nabibigyan sila ng ng kakayahang maibsan ito sa pamamagitan ng pagtatanim ng gulay sa kanila mismong mga bakuran at komunidad,” pahayag ni Vargas.
Bilang dating Chairman ng House Committee on Social Services, sinabi ni Vargas na malaki ang maitutulong ng HAPAG Project sa pagtaas ng antas ng buhay ng maraming Pilipino.
Ang HAPAG Project ay nag-aatas sa lahat ng barangay na magsagawa ng programang gardening at urban farming sa pagtutulungan ng pribado at pampublikong sektor. Bawat tahanan at komunidad ay hihikayating magtanim ng gulay at prutas sa mga bakanteng lupa.
Sa isang panukalang resolusyon, iminungkahi ni Vargas ang pag-aaral sa “Joy of Urban Farming” ni Mayor Joy Belmonte na aniya ay isang “best practice” na maaaring tularan ng ibang lugar.
Pinuri rin ng dating three-term Congressman sina DILG Secretary Benhur Abalos at Undersecretary Chito Valmocina na nagsulong ng programa.
“Napanahon ang programang ito at kapuri-puri ang inisyatiba ni Secretary Abalos at Undersecretary Valmocina. Magpapabilis ito sa kampanya ng ating mahal na Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paunlarin pa ang sektor ng agrikultura at palakasin ang food security ng bansa,” sabi ni Vargas.
Ayon kay Vargas, ang pagbibigay ng prayoridad sa food security ay naayon sa Philippine Development Plan 2023-2028 ng administrasyon.
“Ang bagong polisiya ng DILG ay naayon sa direksyon ng ating mahal na pangulong Bongbong Marcos na bigyang-tuon ang problema ng kagutuman at ayusin pa ang agricultural productivity ng ating bansa. Kaisa tayo sa Pangulo sa adhikaing ito,” dagdag ni Vargas.