Davos-Switzerland—Kumpiyansa ang economic managers ni Pangulong Marcos Jr., na kakayanin ng bansa na mapanatili sa 4.5 percent ang inflation ngayong taon.
Ayon kay Finance Sec. Benjamin Diokno, ito ay dahil sa maganda ang gross domestic product growth ng bansa.
Sa ngayon, patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa Pilipinas, kabilang na ang sibuyas na nasa P600 kada kilo habang ang asukal naman ay nasa P100 kada kilo.
Sinabi naman ni National Economic Development Authority Sec. Arsenio Balisacan na hindi permanente ang isyu sa inflation.
Isa sa mga dahilan aniya kung kaya tumataas ang bilihin dahil sa epekto ng ibat ibang kalamidad.
Una nang iniulat ng Global Risks report 2023 sa World Economic Forum na ang debt o utang at inflation ang pangunahing banta sa Pilipinas.
Sa naturang pag-aaral, sinabi ng mga negosyante na limang bagay ang nagbabanta sa Pilipinas – natural disasters, debt crisis, inflation, misinformation at geopolitical disputes sa mga tanging yaman o resources.
Tinukoy ng naturang report na ang Pilipinas ay isa sa mga bansa na madalas na daanan ng ibat ibang uri ng kalamidad.