Economic team naging ‘sales associates’ ng Pilipinas sa WEF

By Chona Yu January 19, 2023 - 05:32 AM

PCO PHOTO

Davos, Switzerland–Nagtagumpay ang economic team ni Pangulong Marcos Jr. sa pag-aalok sa Pilipinas sa World Economic Forum (WEF) bilang isang investment destination sa Asya.dahil  siyam na kompanya ang nagpahayag ng interes na maglagak ng negosyo sa bansa.

Ayon kay Trade Sec. Alfredo Pascual, apat na mga dayuhang mamumuhunan ang kanyang nakausap na palawakin pa ang pagnenegosyo sa bansa kabilang ang  isang Swiss company na isa sa pinakamalaking operators ng natural resources industry at may interes ito na tumulong sa pag-proseso ng nickel ores.

Nakausap din ni Pascual ang isang CEO ng isang kompaniya  United Arab Emirates na nagbabalak na maglagay ng logistics at transport company sa Pilipinas.

Sa bahagi ni Transportation Sec. Jaime Bautista, sinabi nito na limang kompanya na sa sektor ng transportasyon ang nagpahayag ng kahandaan ng pagnenegosyo sa Pilipinas. Hindi lamang aniya sa Asya kundi maging sa Europa may operasyon ang limang kompanya.

Sabi ni Bautista, maging si dating United Kingdom prime minister Tony Blair ay nagpahayag din ng kahandaan na suportahan ang railway projects ng gobyerno.

Sinabi naman ni Finance Secretary Benjamin Diokno na kaya naakit ang mga dayuhang mamumuhunan dahil may magandang istorya na maikukwento ang Pilipinas.

Sa panig ni National Economic Development Authority Arsenio Balisacan, sinabi nito na nais ng mga dayuhang mamumuhunan na marinig at malaman kung ano na ang lagay ng bansa.

Maging ang International Monetary Fund aniya ay bilib bansa at walang nakitang problema sa pagnenegosyo sa  maliban na lamang sa climate change na problema ng buong mundo.

Samantala, magtatayo ng opisina ang multinational investment firm na Morgan Stanley sa Pilipinas.

Pahayag ito ni Mr. Gokul Laroia, Chairman for Asia Pacific of Morgan Stanley matapos makausap si Pangulong Marcos Jr.

Pangako ni Laroia, maglalagay an kanilang opisina ng tanggapan sa Manila para masuportahan ang agresibong development agenda ng administrasyon.

 

TAGS: economy, Forum, trade, economy, Forum, trade

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.