Bago at modernong Ramon B. Revilla Sr., Medical Building binuksan sa Cavite
Katuparan ng pangarap ang pinasinayaan na Sen. Ramon B. Revilla Sr. Building sa Southern Tagalog Regional Hospital (STRH) sa Bacoor City, Cavite.
Pinangunahan ni Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., ang pagbubukas ng naturang ospital, kasama ang kapatid na si Mayor Strike Revilla at maybahay na si Rep. Lani Mercado-Revilla.
Naging panauhing pandangal naman si Department of Health (DOH) officer-in-charge Usec. Maria Rosario Vergeire.
Pagbabahagi ni Sen. Revilla, pangarap ng kanilang ama ang makapagpatayo ng isang modernong ospital para mapangalagaan ang kalusugan ng kanilang mga kababayan kayat ibinigay nito ang lupa na kinatatayuan ngayon ng STRH.
Pagmamalaki pa ng senador, may dialysis center ang medical building at magkakaroon din ng MRI service.
Pinuri at labis na pinasalamatan naman ni Vergeire ang pamilya Revilla sa patuloy na pagmamalasakit sa kalusugan ng mamamayan.
Aniya malaking tulong ang gusali dahil hindi na kinakailangan pang lumuwas ng mga taga-Cavite sa Metro Manila para sa ‘specialized health and medical services.’
Dahil sa bagong gusali, umangat na sa third-level hospital STRH dahil sa pagkakaroon na ng specialized services at medical specialists, na libre ang mga serbisyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.