Tuloy ang Libreng Sakay ng pamahalaan ngayong taon.
Ito ay matapos paglaanan ng P1.285 bilyong pondo ng Department of Budget ang Libreng Sakay program.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, aprubado na ang Service Contracting program ng Department of Transportation base na rin sa Republict Act 11936 o Fiscal Year 2023 General Appropriations Act na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Kasama sa Libreng Sakay ang EDSA Busway system.
“May pondo po ang Service Contracting Program sa ating FY 2023 GAA. Naglaan po ang pamahalaan ng Php1.285 billion para maipagpatuloy ang programang ito ngayong taon,” pahayag ni Pangandaman.
Hindi maikakaila ayon kay Pangandaman na malaking tulong ang Libreng Sakay program lalo na sa mga pasahero sa kahabaan ng EDSA.
“We understand the plight of our commuting public. And so President Bongbong Marcos gave us a directive to do our part, and to exert our best to help ease their burden. The Service Contracting Program, which funds Libreng Sakay is a big help,” pahayag ni Pangandaman.
“Malaking tulong po ang tipid-pasahe sa araw-araw na pamumuhay ng mga kababayan natin. Whatever amount they save daily, they can reallocate to equally or more important needs such as budget for food, electricity, tuition fee, among others,” dagdag ni Pangandaman.
Ang Libreng Sakay ay joint program ng DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na naglalayong matulungan ang mga pasahero sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Base sa talaan ng LTFRB, umabot sa 165 milyong pasahero ang nakinabang sa Libreng Sakay program sa EDSA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.